Social media ban para sa ilang kabataan, isinusulong sa Senado
Isinusulong ngayon sa Senado ang panukalang batas na naglalayong higpitan ang paggamit ng social media ng mga menor de edad, partikular ang mga wala pang labing-anim na taong gulang.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2066 o ang Social Media Safety for Children Act na inihain ni Senator Sherwin Gatchalian, ipagbabawal sa mga batang under 16 years old ang paglikha o pagkakaroon ng mga account sa iba’t ibang social media platforms.
Layon daw ng panukala na mabawasan ang exposure ng mga kabataan sa mapaminsalang content at hindi ligtas na online environment.
Ayon kay Gatchalian, target din ng batas na obligahin ang social media companies na magpatupad ng mas mahigpit na age at identity verification systems. Kabilang dito ang regular na pag-audit upang matukoy at ma-deactivate ang mga account ng underage users.
Bukod dito, inaasahang maglalagay ang mga platform ng mga mekanismo para sa pagre-report at agarang pagtugon sa mga paglabag, gayundin ng mga hakbang upang maiwasan ang pag-iwas sa age restrictions tulad ng paggawa ng duplicate o reactivated accounts.
Kasama rin sa panukala ang pagbibigay ng tools para sa parental supervision upang masubaybayan ng mga magulang ang paggamit ng kanilang mga anak sa internet at matiyak ang responsableng paggamit nito.
Kapag naisabatas, ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ang siyang mangunguna sa pagbuo ng implementing rules and regulations sa loob ng 90 days. #
