Smuggled onions, posibleng banta sa kalusugan ng publiko: DA

Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) sa publiko laban sa pagbili ng smuggled onions matapos na magpositibo sa “E. coli” ang mga sample na nakuha sa Paco Public Market sa Maynila noong nakaraang linggo.
Ang E. coli ay isang uri ng bacteria na maaaring magdulot ng mga impeksyon sa bituka, urinary tract at iba pang bahagi ng katawan.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., ipinag-utos niya ang agad na pagkumpiska ng mga naturang sibuyas alinsunod sa Food Safety Act of 2013.
Inatasan na rin ng Kalihim ang Bureau of Plant Industry (BPI) at iba pang sangay ng DA na paigtingin ang pagmamatyag sa mga public market at agad isailalim sa pagsusuri ang mga kahina-hinalang produkto.
Hiniling din ng ahensya sa Philippine National Police ang tulong sa pangangalap ng impormasyon para matukoy ang mga grupong nasa likod ng pagpupuslit ng mga sibuyas.
Iginiit din DA na wala silang inilabas na import permit para sa mga sibuyas sa kasalukuyan, bilang suporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na protektahan ang mga lokal na magsasaka, lalo’t katatapos pa lamang ng anihan.
Matatandaan nitong April 26, 2025, aabot sa ₱1.7-million ang nakumpiskang smuggled onions sa Mexico, Pampanga na galing China. Nagpositibo naman sa salmonella ang mga naturang sibuyas. #
