Silver medal ng Pinas sa Women’s Sepak Takraw, historic finish sa Asian Games
Hindi man nasungkit ang ginto, nag-iwan naman ng bagong marka sa kasaysayan ng Philippine Sepak Takraw ang Women’s Doubles Team matapos makapag-uwi ng silver medal sa 2026 Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Pinangunahan nina Jean Marie Sucalit at Abegail Sinogbuhan, kasama si Nelly Jay Salon bilang substitute, ang kampanya ng Pilipinas hanggang Gold Medal Match.
Pero sa kanilang huling laban, hindi nakalusot ang Filipinas kontra Vietnam. Mabilis na nakuha ng Vietnamese pair ang momentum at tuluyang pinabagsak ang Pilipinas sa straight sets para angkinin ang gintong medalya.
Bago makarating sa finals, dumaan muna sa matinding laban ang Pinay takraw players. Sa semifinals, tinalo nila ang Laos para siguradong maiuwi ng Pilipinas ang hindi bababa sa silver medal.
Mahalaga rin ang naging takbo ng kanilang kampanya sa group stage. Nakapagtala ang Pilipinas ng 2-1 record, kabilang ang mga panalo kontra host country na Japan at India, bago yumuko sa South Korea at umusad bilang second placer sa kanilang grupo.
Ang silver finish ay itinuturing na pinakamataas na Asian Games finish ng Pilipinas sa Sepak Takraw, at unang silver medal ng bansa sa sport na ito sa Asiad.
Samantala, may dagdag na bronze medal din ang Pilipinas sa Men’s Regu matapos matalo sa Malaysia sa semifinals. #

