Shiwen Lim, ililipat sa isang kulungan sa Valenzuela City habang dinidinig ang estafa cases
Nakatakdang ilipat sa kustodiya ng Valenzuela City Detention Center si Pampanga 3rd District Representative Shiwen Lim habang patuloy na nililitis ang mga kasong estafa laban sa kanya.
Kasunod ito ng utos ng Regional Trial Court Branch 44 na i-transfer ang 10 kasong kinakaharap ni Lim bilang pagsunod sa patakaran ng Korte Suprema. Nakasaad dito na ang mga kaso ng halal na opisyal ay dapat dinggin sa labas ng kanilang political jurisdiction.
Mas naging pinal ang hakbang matapos ipag-utos ng isa pang hukom ng RTC Branch 171 ang agarang paglipat ni Lim mula Pampanga Provincial Jail patungong Valenzuela City Detention Facility.
Ayon sa mga opisyal ng kulungan, inaayos ang mga dokumento at transportasyon para sa kanyang paglilipat.
Matatandaang sumuko si Lim sa mga otoridad noong March 9, 2026 matapos ang inilabas na warrant of arrest. Karamihan sa mga kaso laban sa kanya ay walang inirekomendang piyansa, maliban sa isa na may itinakdang ₱48,000.
Nahaharap siya sa mga reklamo ng umano’y hindi pagbabalik ng kapital at tubo sa mga investment sa kanyang negosyo, kabilang ang restaurant at ibang commercial ventures.
Lumalabas din sa mga ulat ng Securities and Exchange Commission (SEC) na walang lisensya ang kanyang kumpanya para mangalap ng investment mula sa publiko.
Ayon sa rekord ng korte, may hiwalay pang mga kasong kinakaharap ang opisyal at ito rin ang unang pagkakataon na isang sitting provincial board member sa Pampanga ang naaresto kaugnay ng kasong kriminal.
Dagdag pa rito, nauna na ring isinailalim sa garnishment ang kanyang sweldo dahil sa hiwalay na civil case na umabot sa mahigit isang milyong piso. #
