Sharon Cuneta, umapela kay Leni Robredo na muling tumakbo sa 2028 Elections
By Danica Jino, CLTV36
Naging maugong ang panawagan para sa pagbabalik ni former Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo sa national politics matapos maglabas ng open letter si Megastar Sharon Cuneta sa kanyang Instagram account.

Sa gitna ng pahayag ni Robredo kamakailan na tila sarado na ang kanyang pinto para sa National Elections, nakiusap siya sa alkalde na muling pag-isipan ang kanyang desisyon para sa 2028 presidential elections.
Isa si Sharon sa mga showbiz personalities na sumuporta sa tandem nina Leni Robredo at Kiko Pangilinan noong 2022.
“Please reconsider”
Sa Instagram post nitong Miyerkules, April 29, ibinahagi ng Megastar ang kanyang saloobin tungkol sa integridad at kakayahan ni Robredo na pagbuklurin ang bansa.
“Dearest Ma’am Leni, PLEASE RECONSIDER… You are the one who can unite these different parties. You have proven na ipaglalaban niyo ang PILIPINAS,” ani Cuneta.
Ayon pa sa aktres, naniniwala siyang si Robredo ang tamang lider na magtataguyod sa interes ng bansa. Handa raw siyang magbigay ng all-out support kasama ang kanyang asawang si senator Kiko Pangilinan sakaling magbago ang isip ng opisyal.
Dagdag pa niya, plano rin daw ng kanilang anak na si Miguel Pangilinan na bumisita sa Naga City upang hikayatin ang opisyal na muling isaalang-alang ang paglahok sa halalan.
Matatandaang tumakbo si Robredo sa pagkapangulo noong 2022 elections ngunit hindi siya pinalad na manalo. Matapos nito, nag-focus siya sa kanyang mga adbokasiya sa pamamagitan ng Angat Buhay NGO bago tuluyang sumabak at manalo bilang unang babaeng alkalde ng Naga City noong 2025.
Sa ngayon, nananatiling nakatutok si Robredo sa mga programa sa lokal na pamahalaan at serbisyong pangkomunidad sa kanyang nasasakupan. #
