Scam Alert: Gov’t workers, target ng pekeng fuel voucher
Pinag-iingat ng Land Bank of the Philippines ang publiko laban sa pekeng email na nag-aalok umano ng “fuel vouchers” o discounts para sa mga empleyado ng gobyerno.
Kasunod ito ng pagkalat ng mensaheng may kasamang link na hinihikayat ang mga recipient na i-click para ma-claim ang benepisyo.
Binigyang-diin ng LANDBANK na kailanman ay hindi magpapadala ng email o SMS na may kasamang link ang bangko o iba pang ahensya ng gobyerno para sa anumang alok o benepisyo.
Pinapayuhan ang publiko na maging mapanuri sa mga mensaheng may maling spelling, grammar, at kahina-hinalang detalye, dahil madalas itong palatandaan ng phishing scam.
Para sa lehitimong anunsyo ng mga programa ng pamahalaan, manatili lamang nakatutok sa official websites at verified social media accounts ng mga ahensya ng gobyerno.
Sakaling makatanggap ng ganitong mensahe, agad itong i-report sa reportphishing@landbank.com o tumawag sa (02) 8-405-7000 at 1-800-10-405-7000 (PLDT toll-free). #
