SB19, kasama sa lineup ng Lollapalooza 2026 sa Chicago
After ng successful release ng kanilang bagong kantang “Visa,” panibagong milestone ang naitala ng P-pop Kings na SB19 matapos mapabilang sa lineup ng Lollapalooza 2026 sa Chicago, USA.
Sila ang kauna-unahang Filipino act na makakapag-perform sa isa sa mga pinakamalaking music festival sa buong mundo.


Sa kanilang Instagram post, excited na shinare ng grupo sa kanilang fans ang balita, with matching caption na “Surprise A’TIN!… Can’t wait to see you, Chicago.”
Gaganapin ang world-renowned music festival mula July 30 hanggang August 2, 2026 sa Grant Park sa Chicago, Illinois.
Kilala ang Lollapalooza sa malawak nitong lineup pagdating sa music—mula alternative rock, pop, hip-hop, hanggang electronic music. Kaya naman dinarayo ito ng fans mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Kasama ng SB19 sa official lineup ang ilang international stars tulad nina Olivia Dean, Lorde, John Summit, Jennie ng BLACKPINK, at marami pang iba.
Ayon sa Live Nation Philippines, ito ay isang “proud moment for Filipino music” at hakbang para mas makilala pa ang P-pop sa international stage.
Bago ang kanilang Lollapalooza debut, handa na rin ang SB19 sa kanilang “Wakas at Simula: The Trilogy Concert Finale” sa darating na April 18 sa SMDC Festival Grounds, bilang pagtatapos ng kanilang EP trilogy at kasunod ng kanilang 2025 World Tour. #
