Safety assessment sa Pampang Public Market, nagpapatuloy matapos ang sunog; mga pwesto, pansamantalang isinara
Patuloy ang isinasagawang safety assessment sa bahagi ng Pampang Public Market sa Angeles City matapos ang sumiklab na sunog nitong gabi ng Miyerkules, September 16.
Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog kung saan natupok ang ilang grocery store, karinderya, at kalapit na establisyimento sa loob ng pamilihan.

Ayon kay City Information Officer Jay Pelayo IV, wala pang naitatalang casualty sa insidente, habang patuloy na iniimbestigahan ang pinagmulan at sanhi ng apoy.
Bagama’t contained na ang sitwasyon sa ground zero, makikita pa rin ang puting usok mula sa palengke na tinupok nang bisitahin ito ng CLTV36 News ngayong umaga ng Huwebes, September 17.
Paminsan-minsan ding may naririnig na maliliit na pagsabog sa lugar, na hinihinalang nagmula sa mga natitirang butane, mantika, alak at iba pang madaling magliyab na materyales sa ilang pwesto.
Batay sa post ng Angeles City Information Office, pansamantalang ipinasara ang sari-sari at wet sections ng palengke upang matiyak ang kaligtasan ng mga vendor at ng publiko.

Nag-deploy rin daw ng karagdagang mga pulis sa lugar kasunod ng mga natanggap na ulat hinggil sa umano’y pagtatangkang pagnanakaw sa ilang pwesto.
Samantala, wala pa ring opisyal na datos sa lawak ng pinsala at halaga ng mga nawalang ari-arian.
Ayon sa isang residente na nakapanayam ng news team, ito na raw ang ikatlong insidente ng sunog na naranasan sa naturang pamilihan. #
