Romualdez at Zaldy Co, ipatatawag sa Senado kaugnay ng flood control anomaly

Ipatatawag daw ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson sina dating House Speaker Martin Romualdez at ang nagbitiw sa pwesto na si Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y iregularidad sa mga flood control project ng gobyerno.
Nakatakdang ipagpatuloy ng komite ang pagdinig sa Biyernes, November 14, at ipadadala ang pormal na imbitasyon hindi lang sa mga nabanggit kundi sa 17 pang miyembro ng Kamara na umano’y dawit din sa isyu.
Ipinabatid din ni Lacson na maaaring dumalo si Co sa pamamagitan ng video conference, pero kailangang kumpirmahin ng Philippine Embassy o Consul kung siya ay nasa labas ng bansa.
Ang bagong round ng imbestigasyon ay kaugnay pa rin ng naunang testimonya ng contractor na sina Curlee at Sarah Discaya noong Setyembre.
Ayon sa mag-asawa, may ilang kongresista, staff, at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang sangkot sa mga kahina-hinalang proyekto.
Tiniyak naman ni Lacson na idadaan sa pormal na proseso ang pagpapadala ng mga imbitasyon. Naipaalam na rin aniya kay Senate President Tito Sotto ang pag-aayos ng schedule ng mga pagdinig para tuloy-tuloy ang pagbusisi sa mga alegasyon. #
