Resident doctors ng TMC Clark, ide-deploy sa Mabalacat City para sa libreng serbisyong medikal
By Reyniela Tugay, CLTV36 News
Hindi na raw kailangang lumayo ng mga MabalaqueƱo para magpatingin sa doktor, dahil mismong mga resident doctor ng The Medical City o TMC Clark na ang pupunta sa kani-kanilang mga barangay.
Naging posible ito matapos opisyal na lagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Mabalacat at ng TMC Clark para sa resident training program services at community adoption nitong Martes, December 16.

Sa ilalim ng kasunduan, ide-deploy ang mga resident doctor ng The Medical City Clark sa ibaāt ibang Rural Health Units (RHU) sa lungsod upang magbigay ng libreng konsultasyon, medical check-up, at basic health assessment sa mga residente, partikular sa mga sektor na may limitadong access sa serbisyong medikal.
Layunin din ng programa na palakasin ang primary healthcare services sa pamamagitan ng maagap na pagsusuri, maagang pagtukoy ng sakit, at agarang referral kung kinakailangan.
Ayon kay Mabalacat City Mayor Geld Aquino, mahalaga ang pakikipagtulungan ng LGU sa pribadong sektor upang mas mapabuti ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa buong lungsod. #
