Reporma sa waste management, panawagan ni Cardinal David matapos ang trahedya sa Cebu
Naging mitsa ng panibagong panawagan ang trahedyang naganap sa isang landfill sa Cebu noong January 8. Ilang manggagawa ang nasawi at may ilan ding nasugatan matapos gumuho ang tambak ng basura sa pasilidad.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente na muling nagbukas ng usapin sa kaligtasan at wastong pamamahala ng mga landfill sa bansa.
Kaugnay nito, naglabas ng isang call to action post ang Kapampangan Cardinal na si Cardinal Pablo Virgilio David. Tinawag niya ang umiiral na sitwasyon sa maraming tinatawag na sanitary landfill sa Pilipinas bilang public health crisis at climate injustice.
Ayon kay Cardinal David, taliwas sa itinatakda ng Republic Act No. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act, marami pa ring landfill ang nagiging tambakan ng halo-halong basura—kabilang ang biodegradable, recyclable, at maging toxic waste—na nagdudulot ng polusyon, panganib sa kalusugan, at pinsala sa kalikasan.
Binigyang-diin niya rin ang kakulangan sa pamumuhunan ng mga lokal na pamahalaan sa edukasyon at kamalayan ng mamamayan hinggil sa waste segregation, composting, at recycling, sa halip na maglaan ng bilyon-bilyong piso sa paghakot at pagtatambak ng basura.
Nanawagan si Cardinal David sa publiko na magsimula ng proper waste segregation sa sariling mga tahanan.
Hinikayat din niya ang mga LGU at ahensya ng gobyerno na ipatupad nang buo ang batas, isara ang mga unsanitary landfill, at unahin ang kalusugan, klima, at kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Sa Porac, Pampanga, magkakaroon ng pulong ang Porac LGU at Prime Waste Solutions, ayon kay Mayor Jing Capil. Ito ay upang tiyakin ang disenyo at operasyon ng pasilidad ng kumpanya sa Barangay Planas.
Ang Prime Waste Solutions ang kumpanyang may hawak sa naturang landfill sa Cebu kung saan naganap ang malagim na trahedya. #
