Rapid test kit para sa leptospirosis at schistosomiasis, binuo ng CLSU at DOST

Nakagawa ng rapid on-site test kits para sa leptospirosis at schistosomiasis ang mga mananaliksik mula Central Luzon State University (CLSU) katuwang ang DOST-Philippine Council for Health Research and Development.
Layunin nitong matukoy agad kung may leptospira bacteria o schistosoma parasite sa baha nang hindi na kailangang dalhin pa sa laboratoryo.
Ang leptospirosis ay impeksyong dulot ng bacteria na naipapasa sa pamamagitan ng ihi ng hayop tulad ng daga. Maaaring mahalo ang ihi sa baha at mapasok sa katawan ng taong lumulusong dito. Kabilang sa mga sintomas nito ay lagnat, pagsusuka, pagduduwal, pananakit ng kalamnan, at pagsakit ng ulo.
Habang ang schistosomiasis naman ay dulot ng parasite worms. Sintomas nito ang pangangati ng balat, lagnat, sakit ng ulo, pagdurumi, at dugo sa ihi.
Ayon sa mga mananaliksik, molecular-based at DNA-based ang teknolohiya kaya mas tiyak at mabilis ang resulta nito na maaari nang lumabas sa loob lamang ng 45 minutes.
Malaki umano ang maitutulong nito lalo na sa mga lugar na binabaha upang agad na malaman kung ligtas lumusong dito para magtrabaho o mag-aral.
Target ng grupo na ibenta ang mga test kit sa mga lokal na pamahalaan sa halagang ₱4,000 bawat isa matapos makumpleto ang field testing at makuha ang permit mula sa Food and Drug Administration (FDA). #
