Rachel Daquis, bagong player ng ZUS Coffee Thunderbelles
Isang bagong yugto ang bubuksan sa karera ni veteran spiker Rachel Daquis matapos itong lumipat sa ZUS Coffee Thunderbelles bago ang 2026 PVL All-Filipino Conference.
Mula sa Farm Fresh Foxies, inaasahang magkakaroon ng mas malinaw na papel si Daquis sa Thunderbelles matapos ang limitadong laro niya noong nakaraang taon dahil sa mas batang komposisyon ng kanyang dating koponan.
Sa edad na 38, balik-entablado si Daquis sa volleyball court matapos ang panandaliang pahinga, kung saan sinubukan naman niya ang larangan ng negosyo sa pamamagitan ng pagbubukas ng Forn de Manila, isang Filipino bakery sa Barcelona, Spain.
Isa sa mga highlight sa kanyang paglipat ay ang muling pagsasama nila ng matagal nang kaibigang si Jovelyn Gonzaga, na muling bubuhay sa kilalang “Gonzaquis” tandem na nagsimula pa noong 2011.
Matatandaang naging haligi ang dalawa ng Philippine Army Lady Troopers at kalaunan ng Cignal HD Spikers noong kasagsagan ng Philippine Super Liga.
Bahagi rin si Daquis ng mas malawak na roster revamp ng ZUS Coffee na nagdagdag ng ilang beteranong manlalaro upang palakasin ang kanilang kampanya matapos ang makasaysayang finals finish noong Reinforced Conference.
Sisilipin agad ang bagong anyo ng Thunderbelles sa pagbubukas ng kanilang 2026 PVL campaign sa February 3 kontra Capital1 Solar Spikers sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan. #
