Pwede pa ring bumoto kahit walang National ID: Comelec
Naglabas ng babala ang Commission on Elections (Comelec) laban sa kumakalat na maling impormasyon na nagsasabing hindi makaboboto ang isang tao sa May 12, 2025 National and Local Elections kung wala siyang National ID.
Mariin itong kinundena ng Komisyon at nilinaw na ang nasabing anunsyo ay hindi totoo at hindi mula sa kanilang tanggapan.

Ayon sa opisyal na pahayag ng Comelec, ang naturang graphics ay hindi kailanman ipinaskil sa alinmang opisyal na social media account ng tanggapan. Wala rin umanong anumang polisiya na nagsasabing National ID lamang ang tatanggapin para makaboto.
Ipinaliwanag din nila na tanging hihingan lamang ng valid ID ang isang botante kung sakaling hindi ma-verify ang kanyang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng Election Day Computerized Voters’ List (EDCVL).
Dahil dito, hinimok ng ahensya ang publiko na mas maging mapanuri at huwag agad maniwala sa mga impormasyong hindi nagmula sa mga opisyal na tanggapan ng pamahalaan. Ugaliin din daw na beripikahin ang mga balita mula sa verified sources ng Comelec upang maiwasan ang pagkalat ng pekeng impormasyon. #
