PRO 3, puspusan ang paghahanda para sa eleksyon sa May 12
Nagsagawa ng isang special Electoral Board Training ang Police Regional Office 3 (PRO 3) upang masigurong handa at may sapat na kaalaman ang kanilang mga tauhan sa pagtupad ng tungkulin sa nalalapit na halalan. Layon nitong tiyakin ang pagiging propesyunal at patas ng mga pulis sa panahon ng eleksyon.

Idinaos ang training sa PRO 3 Patrol Hall, Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga nitong Lunes, April 7, bilang paghahanda sa 2025 National and Local Elections (NLE) at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliament Elections.
Pinangunahan ito ni Atty. Elmo Duque, Assistant Regional Election Director ng Commission on Elections (Comelec) Region 3, na nagbigay ng masusing kaalaman hinggil sa mga batas panghalalan, tamang proseso at paggamit ng vote-counting machines (VCMs).

Sumailalim din ang kapulisan sa hands-on training at simulation ng mga posibleng senaryo sa araw ng eleksyon, upang matiyak ang maayos at organisadong pagdaraos ng botohan.
Bilang bahagi ng deployment strategy ng PRO 3, may mga piling tauhan na itatalaga sa rehiyon ng BARMM upang magsilbing mga Electoral Board members, lalo na sa mga lugar na kulang sa guro o may mga banta sa seguridad.
Ayon kay PBGen. Jean Fajardo, Regional Director ng PRO 3, mahalagang hakbang ang pagsasanay upang suportahan ang Comelec at mapanatili ang integridad ng halalan, partikular sa mga sensitibong lugar gaya ng BARMM.
Dagdag pa niya, sinanay ang mga pulis upang maging neutral at maaasahan sa pagganap ng tungkulin bilang Electoral Board upang matiyak ang seguridad, lalo na sa mga lugar na itinuturing na election hotspots. #