Posibleng epekto ni bagyong Uwan, pinaghahandaan na rin ng PNP

Kasunod ng inaasahang pagtama ng posibleng super typhoon “Uwan” ngayong weekend, ipinag-utos ng Philippine National Police (PNP) sa lahat ng yunit nito sa buong bansa na mas paigtingin ang paghahanda, kasabay ng humanitarian operations sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Tino.
Ayon kay PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., inabisuhan na ang mga regional office na suriin ang tamang deployment ng mga pulis upang maiwasan ang kakulangan ng tauhan at kagamitan sa parehong relief efforts at preemptive operations.
Kabilang dito ang pagpoposisyon ng rescue vehicles, communication equipment, at iba pang logistic supplies sa mga high-risk area.
Kasabay nito, pinatitiyak ng PNP ang presensya ng mga pulis sa mga apektadong lugar upang maiwasan pa rin ang anumang krimen gaya ng panloloob, at mapanatili ang kaayusan habang papalapit ang bagyo.
Patuloy naman umanong nakikipag-ugnayan ang kapulisan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at mga lokal na pamahalaan para sa rescue coordination, relief, at recovery operations, lalo na’t posible umanong lumakas pa si “Uwan” pagpasok nito sa Philippine Area of Responsibility (PAR). #
