Pinoy lifter Albert Delos Santos, nagmarka ng bagong junior world record sa Norway

Matinding impresyon ang iniwan ng Asian Youth and Junior Weightlifting Championships 2025 gold medalist na si Albert Ian Delos Santos sa kanyang debut sa senior level matapos niyang basagin ang junior world record sa 2025 IWF World Championships sa Forde, Norway.
Sa edad na 19, naiangat ni Delos Santos ang 185 kilos sa clean and jerk sa kanyang 3rd attempt sa 71-kilogram division, na nagbigay sa kanya ng ikawalong puwesto sa kabuuan ng kompetisyon.
Nakumpleto niya ang 136 kilos sa snatch at 185 kilos sa clean and jerk para sa kabuuang 322 kilos—anim na kilo na lamang ang kulang para sa junior world record total.
Pinuri ng International Weightlifting Federation (IWF) si Delos Santos sa makasaysayang tagumpay at sinabing malaki ang potensyal ang ipinakita ng batang atleta mula Zamboanga City.
Ayon sa ulat ng IWF, inamin ni Delos Santos na matagal na niyang target na maabot ang 185 kilos at makapasok sa Top 10 sa kanyang senior debut.
Matapos ang record-breaking na performance, nakatuon na ngayon si Delos Santos sa paghahanda para sa Southeast Asian Games (SEA Games) na gaganapin sa Thailand ngayong Disyembre. #
