Pinay na sugatan matapos ang missile attack sa Israel, pumanaw na
Magdiriwang pa sana ng kanyang 50th birthday sa July 29 ang Filipina caregiver sa Israel na si Leah Mosquera na tubong Negros Occidental.
Ngunit sa halip na paghahanda para sa isang munting salu-salo, pagluluksa ang bumalot sa kanyang pamilya at mga kaibigan matapos siyang pumanaw nitong Linggo, July 13.
Ito ay isang buwan matapos siyang masugatan sa isang missile attack sa Rehovot, Israel na direktang tumama sa tinutuluyan niyang apartment noong June 15.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), isinugod si Mosquera sa Shamir Medical Center at sumailalim sa sunod-sunod na operasyon.


Ilang linggo siyang nanatili sa Intensive Care Unit (ICU) habang inaalagaan ng kapatid niya na isa ring Overseas Filipino Worker (OFW) sa Israel.
Inaasikaso na ng Philippine Embassy sa Tel Aviv ang agarang repatriation ng kanyang labi pabalik sa Pilipinas.
Sa gitna ng pagluluksa, muling nanawagan ang DFA para sa mas mahigpit na proteksyon ng mga sibilyan, lalo na ng mga migrant worker.
Tinatayang may 30,000 na Pilipino ang kasalukuyang naninirahan at nagtatrabaho sa Israel, na karamihan ay nasa sektor ng caregiving at household work. #
