Philippine Army, katuwang ng Comelec at PNP sa pagtiyak ng ligtas na Halalan 2025
Nakapagpadala na ang Philippine Army ng kabuuang 16,489 personnel sa buong bansa upang suportahan ang Philippine National Police (PNP) at Commission on Elections (Comelec) sa paghahanda sa nalalapit na halalan sa May 12.
Batay sa ulat, 6,712 officials, enlisted personnel, miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAA), at mga reservist ang nakatalaga sa 661 AFP-PNP-Comelec checkpoints. Samantala, 9,777 Army personnel naman ang nakapwesto sa 63,663 polling precincts upang tiyakin ang seguridad ng botohan.

Bukod pa rito, nasa 12,377 Army personnel ang naka-standby alert para sa posibleng dagdag na pwersa kung kinakailangan.
Ang malawakang deployment ay bahagi ng inter-agency coordination ng AFP, Comelec, at PNP upang maagapan at hadlangan ang anumang banta ng karahasan, pananakot, o pandaraya sa halalan.

Isinailalim naman sa masusing briefing ang lahat ng itinalagang sundalo upang tiyakin ang pagsunod nila sa ligal na mandato at mga panuntunang nakasaad sa Philippine Army Guidelines (PAG) batay sa Omnibus Election Code ng Pilipinas.
Ipinabatid ni Army Chief Lt. Gen. Roy Galido na sumailalim sa mahigpit na oryentasyon ang mga sundalo kaugnay ng kanilang papel sa panahon ng halalan. Aniya, matatag ang paninindigan ng Philippine Army sa pagsusulong ng isang malaya, tapat, at maayos na halalan.
Dagdag pa ni Galido, may mahalagang papel ang Philippine Army sa pagbabantay sa mga demokratikong institusyon, lalo na sa mga lugar na idineklarang “red areas” ng Comelec kung saan may mataas na banta ng kaguluhan o karahasan. #
