PhilHealth, magdadagdag ng health proxy option sa bagong membership form
By Noel Celeste, CLTV36 News

Magdadagdag ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ng health proxy option sa updated membership at registration form nito upang magkaroon ng opisyal na talaan ng taong maaaring kumatawan sa isang miyembro sa usaping pangkalusugan.
Sa budget hearing nitong Lunes, September 7, sinabi ng Philhealth na kasalukuyang ina-update ang membership form para maisama ang bahagi kung saan maaaring ideklara ng miyembro ang kanyang health proxy.
Tinalakay sa hearing ang Right to Care, kasunod ng mga ordinansang ipinapasa ng ilang local government units na nagbibigay sa mga pasyente ng karapatang magtalaga ng health proxy.
Gayunman, may mga pagkakataong hindi kinikilala ng ilang ospital ang ordinansa o health proxy, dahil wala pang pormal na memorandum mula sa Department of Health tungkol dito.
Partikular na naaapektuhan nito ang mga solo parent, OFW at miyembro ng LGBTQIA+ community, na maaaring mahirapang mag-asikaso ng medical decisions para sa kanilang mahal sa buhay o sa mga pagkakataong hindi na kayang gumawa ng sariling medical decisions ang pasyente.
Bilang tugon, sinusuportahan umano ng DOH ang initiative at target na mailabas ang updated PhilHealth registration form bago matapos ang Setyembre. Habang gagamitin naman ng PhilHealth ang updated registration form bilang repository ng impormasyon tungkol sa health proxy. #
