PH soft tennis team, pasok na sa 2026 Asian Games

Nakagawa ng kasaysayan ang Philippine soft tennis team matapos masungkit ang kanilang kauna-unahang gintong medalya sa 9th Asian Soft Tennis Championship na ginanap sa Mungyeong, South Korea.
Tinalo ng Pilipinas ang powerhouse squad na China sa score na 2-0, sa mixed team event finals nitong Lunes, September 22.
Sa men’s doubles, nanaig sina Joseph Arcilla at Samuel Nuguit habang sa women’s doubles ay nagtagumpay sina Bien Zoleta at Princess Catindig.
Bago makarating sa finals, pinadapa muna ng koponan ang Cambodia sa quarterfinals at ang India sa semifinals, na nagbigay-daan sa kanilang matamis na laban kontra China.
Ayon kay Zoleta, mahalaga ang panalo dahil bukod sa kasaysayang naitala, nakakuha rin ng ticket ang women’s team para sa 2026 Asian Games na gaganapin sa Japan mula September 19 hanggang October 4, 2026.
Nauna nang nakapasok ang men’s team matapos mag-uwi ng bronze sa World Championship noong nakaraang taon.
Bago ang mismong torneo, dumaan muna ang national team sa matinding training camp sa Sunchang mula August 24 hanggang September 13.
Ang tagumpay na ito ay dagdag sa lumalaking koleksyon ng medalya ng koponan, matapos makasungkit ng walong medalya sa Poland Cup nitong July. Kabilang dito ang isang ginto, apat na pilak, at tatlong tanso. #
