PH Maritime Council at U.S., kinundena ang water cannon attack ng China sa Bajo de Masinloc
Mariing kinundena ng National Maritime Council ang panibagong pag-atake ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR malapit sa Bajo de Masinloc, Zambales nitong Martes, September 16.

Giit ng NMC, malinaw na lumalabag ang naging aksyon ng China sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea, 2016 South China Sea Arbitral Award, at iba pang international maritime safety regulations.
Nanawagan din ang konseho na itigil ng naturang bansa ang mga iligal at ‘provocative activities’ sa West Philippine Sea.
Bago ito, una nang naglabas ng pagkondena si US Ambassador to the Philippines MaryKay Carslon. Binatikos niya ang agresibong atake ng China, at pinuri ang Pilipinas sa patuloy na pagtatanggol ng karapatan ng mga mangingisda.

Samantala, tiniyak naman ng NMC na hindi matitinag ang Pilipinas at ipagpapatuloy ang mga lehitimong operasyon sa loob ng sariling maritime zones alinsunod sa international law.
Matatandaang nitong Martes, September 16, nang bombahin ng tubig ng dalawang Chinese vessels ang BRP Datu Gumbay Piang ng Pilipinas habang nagsasagawa ito ng humanitarian mission para sa mga mangingisdang Pilipino.
Isang tauhan ng BFAR ang sugatan matapos mabasag ang salamin ng kanilang sinasakyan dahil sa insidente. #
