PH Deaf Team, humakot ng 25 medals sa SEA Deaf Games

Muling pinatunayan ng Philippine National Deaf Team ang kanilang lakas at determinasyon matapos masungkit ang ikalawang pwesto sa overall ranking ng 2nd Southeast Asian Deaf Games.
Ginanap ang kompetisyon sa Jakarta, Indonesia mula August 20 hanggang August 26, 2025.
Nasa kabuuang 25 medals ang naiuwi ng pambansang koponan kabilang ang pitong ginto, anim na pilak, at 12 tanso.
Malaking pag-angat ito kumpara sa dating inaugural games sa Kuala Lumpur noong 2022 kung saan siyam na medalya lamang ang naiuwi ng bansa mula sa bowling at badminton.
Sa pagkakataong ito, lumahok ang mga Pinoy sa bowling, table tennis, badminton at athletics.
Pinangunahan ni bowling standout Maria Lovella Catalan ang delegasyon matapos makapagtala ng limang medalya sa kanyang pangalan, kabilang ang dalawang ginto.
Samantala, nagpakitang-gilas din ang table tennis squad nang makapagtala ng limang gintong medalya at nagbigay ng malaking ambag sa pangkalahatang ranggo ng Pilipinas.
Hindi rin nagpahuli sa athletics si Jae Phillipe Ciron Arce na nagdagdag ng dalawang tansong medalya mula sa men’s long jump at 400m run.
Para sa Philippine Deaf Team, ang bawat medalya ay higit pa sa tagumpay sa palakasan, ito rin ay patunay ng kanilang resilience at inspirasyon para sa lahat ng Pilipino. #
