Pet crematorium accreditation bill, inihain sa Kamara kasunod ng insidente sa Bulacan
Nais daw obligahin ni Pampanga 1st District Representative Carmelo “Pogi” Lazatin, Jr. ang lahat ng pet crematorium sa bansa na kumuha ng accreditation mula sa Department of Agriculture – Bureau of Animal Industry (DA-BAI).
Ito ang nakapaloob sa House Bill No. 11784 o ang Pet Crematorium Accreditation Act na inihain ng mambabatas nitong November 4.
Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal sa mga lungsod at munisipalidad ang pag-isyu o pag-renew ng business permit sa mga pet crematorium kung walang valid DA-BAI accreditation. Bukod pa ito sa iba pang kinakailangang permit at clearance ng establisyimento.
Kasunod ‘yan ng pagkakatuklas sa mga labi ng hindi bababa sa 25 aso at pusa na isinilid sa mga sako at basta na lang itinapon sa isang bakanteng lote sa Brgy. Minuyan Proper sa City of San Jose del Monte, Bulacan.
Lumabas sa imbestigasyon na ipinagkatiwala ang mga hayop sa isang pet crematorium sa Bacoor City, Cavite para sa maayos na cremation. Pero sa halip na tuparin umano ang serbisyo, natagpuan ang labi ng mga ito na mistulang basura lang na itinapon.
Ayon kay Lazatin, bahagi ng pamilya ang mga alagang hayop kaya nararapat silang mabigyan ng marangal na burial o cremation services.
Samantala, bukod sa regulasyon sa pet crematoriums, isinusulong din ng kongresista ang pagtatayo ng mga pampublikong veterinary clinic at no-kill animal shelter sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa sa ilalim ng House Bill No. 8710 na inihain niya noong Marso.
Layunin nitong isailalim sa adoption o rehoming program ang mga ligaw at abandoned animals sa halip na patayin. Ang naturang panukala ay nakabatay sa modelo ng Angeles City Animal Shelter na kauna-unahang DA-BAI accredited no-kill facility sa Pampanga.
May kapasidad itong kumupkop ng mahigit 100 hayop at nakatanggap ng accreditation noong May 2023 bago pormal na buksan noong July 18 ng nasabing taon.
Ang pasilidad ay kinilala ng Department of Agriculture Field Office 3 bilang Best LGU Dog Pound and Animal Shelter noong October 2024. #
