PCG, nakatanggap ng bagong barko para sa mas pinalakas na search and rescue operations
By Lucia Madamba and Francesca Perez, CLTV36 News interns
Pormal nang tinanggap ng Philippine Coast Guard (PCG) mula sa Philippine Red Cross (PRC) ang bagong sasakyang pandagat na M/V Amazing Grace sa isang symbolic turnover sa South Harbor, Manila noong March 18, 2025.

Ang seremonya ay pinangunahan nina First Lady Liza Marcos at Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon.
Palalakasin umano ng M/V Amazing Grace ang mga operasyon ng PCG, kabilang ang disaster response, maritime law enforcement, at search and rescue missions.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang matibay na ugnayan ng PCG at PRC, partikular sa kanilang mga serbisyong nakatuon sa kapakanan ng publiko.
Aniya, ang isinagawang aktibidad ay patunay na malayo ang mararating ng dalawang humanitarian organization sa kanilang serbisyo sa publiko, maging sa pagbabahagi ng kinakailangang logistics.
Maliban sa M/V Amazing Grace, nakatanggap din ang PCG ng dalawang Barracuda Rigid-Hulled Inflatable Boats (RHIBs) at 100 units ng STARLINK kits mula sa PRC. #