PCG member, timbog sa pagbebenta ng loose firearms sa Pampanga

Sa kamay ng mga pulis ang bagsak ng isang active member ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos mahuli sa aktong nagbebenta ng mga iligal na baril sa San Simon, Pampanga.
Ayon sa report ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), naaresto sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay San Isidro nitong September 10 ang suspek na si alyas “Ray”, na nakatalaga sa Coast Guard Station sa Maynila. Nasabat mula sa kanya ang isang 5.56 caliber rifle at 9mm pistol.
Batay sa imbestigasyon, ginagamit umano ng suspek ang iba’t ibang online platform para sa kanyang mga transaksyon sa pagbebenta ng loose firearms.

Dahil dito, sinampahan siya ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act.
Mariin namang kinundena ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang nasabing insidente at iginiit na may “zero tolerance” ang kanilang hanay laban sa mga iligal na gawain. Inatasan din niya ang CGS Manila na makipagtulungan sa imbestigasyon.
Kapag napatunayang guilty, bukod sa mga kasong kakaharapin, maaari din siyang masibak sa serbisyo sa pamamagitan ng dishonorable discharge mula sa Coast Guard. #
