PBBM party-list, ipinababasura sa Comelec dahil sa maling representasyon

Isang petisyon ang inihain sa Commission on Elections (Comelec) upang diskwalipikahin ang Pilipinas Babangon Muli (PBBM), isang party-list candidate ngayong 2025 Midterm Elections, dahil sa umano’y maling pagpapahiwatig ng kaugnayan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon sa report ng Philippine News Agency (PNA).
Ayon kay Atty. Jess Christian Ramirez, maaaring mailigaw ng pangalan ng grupo ang mga botante, na iisipin nilang may koneksyon ito sa Pangulo kahit wala naman. Dagdag pa niya, maaaring ginagamit ng grupo ang party-list system para sa pansariling interes sa pulitika at pananalapi.

Batay sa inihaing petisyon, noong September 21, 2023, idineklara ng PBBM party-list na kinakatawan nila ang rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon). Ngunit nang ilabas ng Comelec ang listahan ng mga nominado noong October 24, 2024, lumitaw na walang sinumang nominado ang mula sa nabanggit na rehiyon. Sa halip, walo umano ang mula sa Abra, isa sa Cagayan, at isa sa Quezon City.
Ayon pa kay Ramirez, malinaw itong paglabag sa Republic Act 7941 o ang Party-List System Act at Comelec Resolution 9366, dahil sa hindi totoong pahayag at maling representasyon ng grupo.
Bukod dito, ginamit din niya ang kaso ng Atong Paglaum Inc. vs. Comelec bilang batayan, kung saan itinakda na ang mga nominado ng party-list ay dapat bona fide members at tunay na kinakatawan ang kanilang sinasabing sektor.
Hiniling ni Ramirez sa Comelec ang agarang pagkansela ng rehistro ng PBBM party-list, pagbawalan itong lumahok sa halalan, at pigilan ang posibleng proklamasyon ng sinumang nominado nito.
Sa ngayon, wala pang itinakdang petsa ang Comelec para sa pagdinig ng petisyon. #