Parokya sa Bulacan, isasauli ang sasakyang donasyon ng ex-DPWH official

Nagpasya ang San Pascual Baylon Parish sa Obando, Bulacan na isauli ang isang sasakyan na donasyon ng dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ngayon ay sangkot sa umano’y iregularidad sa mga flood control project.
Ayon sa pastoral council ng parokya, tinanggap nila ang isang pickup mula kay former DPWH 1st District Engineer Henry Alcantara noong June 1, 2024 upang magamit sa mga pilgrimage o pagdalaw ng imahen ng Mahal na Birhen ng Salambao sa iba’t ibang parokya.


Nilinaw nilang tinanggap ito nang buong tiwala at walang bahid ng anumang pagdududa.
Ngunit, matapos ang ulat na iniimbestigahan ang naturang opisyal ng ahensya, nagpasya na ang simbahan na isauli ang donasyon sa pamamagitan ng tamang proseso.
Sinabi ng parokya na ang hakbang ay alinsunod sa tagubilin ng Diocese of Malolos at ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Humingi rin ng paumanhin ang simbahan sa mga mananampalataya, at iginiit na ang desisyon ay patunay ng kanilang paninindigan para sa katarungan at integridad. #
