Paris Olympic medalists, natanggap na ang bagong bahay sa Tagaytay City
By Rhandol Nixon Lapuz, CLTV36 News intern
Ibinahagi ng Philippine Olympic Committee (POC) na nai-turnover na ang mga regalong bahay para sa mga Paris Olympics medalist na sina Carlos Yulo, Nesthy Petecio, at Aira Villegas nitong Linggo, March 23.

Personal na inabot ni POC President Abraham ‘Bembol’ Tolentino sa mga atleta ang susi ng kanilang bagong bahay sa Prime Peak Town House Subdivision sa Barangay Silang Crossing West, Tagaytay City.

Isang two-storey house na nagkakahalaga ng ₱15-milyon ang magiging tirahan ni two-time gold medalist Carlos Yulo. Nasa tinatayang 500-square meter ang lote ng nasabing bahay.
Tig-isang two-storey house sa 200-square meter lot naman ang regalo para kina Aira Villegas at Nesthy Petecio na kapwa nakapag-uwi ng medalya sa larangan ng boxing. Ito na ang ikalawang bahay ni Petecio sa Tagaytay matapos ang kanyang panalo noon sa Tokyo Olympics.
Ayon kay POC President Tolentino, inspirasyon ito para sa mga atletang Pilipino upang makapag-uwi ng mas marami pang medalya sa mga susunod na Olympic Games. #