Parcel na naglalaman ng ₱756-K na halaga ng “kush”, nasabat sa Clark
Nasabat ng pinagsamang operatiba ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs ang isang parcel mula Canada na naglalaman ng high-grade marijuana o “kush” na tinatayang nagkakahalaga ng ₱756,000.
Idineklara bilang women’s woven shirt ang parcel na ipinadala patungong Dasmariñas at dumating sa bansa noong huling linggo ng Pebrero. Agad itong na-flag ng mga otoridad matapos makatanggap ng derogatory information mula sa PDEA.
Isinailalim sa X-ray scanning at K9 inspection ang kargamento bago dumaan sa masusing pisikal na pagsusuri.
Sa inspeksyon, nadiskubre ang anim na pakete na nakabalot sa aluminum foil na naglalaman ng tig-iisang transparent plastic pouch na may tuyong dahon at fruiting tops ng hinihinalang high-grade marijuana. May kabuuang bigat na 504 grams ang mga ito.
Kinumpirma sa isinagawang chemical analysis ng PDEA na marijuana ang laman ng mga pakete, na itinuturing na mapanganib na droga sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Napatunayang lumabag din ang shipment sa ilang probisyon ng Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act kaugnay ng ilegal na pagpasok ng kontrabando.
Ayon sa BOC, mula pa noong unang bahagi ng 2026, mahigit ₱22 milyong halaga ng ilegal na droga ang napigilang makapasok sa bansa.
Sinabi ni Jairus Reyes, district collector ng Port of Clark, mahalaga ang mahigpit na monitoring at screening sa paliparan upang mapigilan ang smuggling at mapanatili ang seguridad ng supply chain ng bansa.
Dagdag pa ng BOC, paiigtingin pa ng ahensya ang intelligence at enforcement measures upang maprotektahan ang mga trade corridor at mailayo ang mga komunidad sa banta ng ilegal na droga. #
