Pangangalaga sa historical records at cultural landmarks ng Pampanga, isinusulong sa gitna ng mabilis na pag-unlad
Habang patuloy na umuunlad ang Clark bilang sentro ng negosyo at trabaho, binigyang-diin ng mga heritage advocate ang pangangailangang mapangalagaan ang mga historical record at cultural landmarks na nagsisilbing alaala ng mga komunidad.
Tinalakay ang usapin sa National Summit III of Church Archives and Heritage Workers na ginanap sa Clark Freeport nitong Miyerkules, September 16, na dinaluhan ng mga historian, archivist, heritage worker at kinatawan ng pamahalaan.

Ayon kay Clark Development Corporation (CDC) President & CEO Atty. Agnes VST Devanadera, hindi dapat maputol ang ugnayan ng kasalukuyang pag-unlad sa kasaysayan ng mga lugar, lalo na habang mabilis na nagbabago ang mga komunidad.
Kabilang sa mga halimbawa ang mga dating officers’ house at barn house sa Clark na nananatiling bahagi ng lugar matapos ma-preserve at magamit sa mga bagong function.
Binigyang-diin naman ang kahalagahan ng church archives bilang talaan ng buhay ng mga Pilipino sa iba’t ibang henerasyon. Nakatala rito ang mga impormasyon tungkol sa binyag, kasal, paglipat ng tirahan, kalamidad at iba pang pagbabago sa komunidad.
Sa Pampanga, kabilang sa mga tinukoy na heritage site ang San Guillermo Church sa Bacolor, na naging mahalagang bahagi umano ng kasaysayan ng lalawigan, lalo na sa mga pangyayaring sumunod sa pagputok ng Mt. Pinatubo noong 1991. #
