Pampanga State U students, pumalag sa nilalaman ng isinagawang Security Awareness Seminar sa pamantasan
Dismayado ang ilang estudyante ng National Service Training Program (NSTP) ng Pampanga State University (PSU) matapos ang isinagawang Security Awareness Seminar nitong Sabado, September 6.
Sa post ng The Industrialist, official student publication ng PSU, ipinakita kasi umano sa audio-visual presentation ng seminar ang ilang progressive group na iniuugnay sa ‘subversion’ o samahan upang pabagsakin ang pamahalaan.
Kabilang sa mga idinadawit ang Kabataan Partylist, Gabriela, Anakbayan, College Editors Guild of the Philippines, at League of Filipino Students.
Nabahala rin ang mga estudyante matapos umanong igiit ng tagapagsalita na dapat ituon lamang nila ang oras sa pag-aaral at huwag makisangkot sa mga isyu tulad ng flood control projects.
Para sa kanila, insulto ito sa kakayahan ng kabataan na makibahagi sa mga usapin panlipunan na direktang ding nakakaapekto sa kanilang kinabukasan. Mariin din nilang tinutulan ang pag-uugnay ng aktibismo sa terorismo.
Sa kanilang pahayag, tiniyak naman ng The Industrialist na paiigtingin nila ang imbestigasyon upang matukoy ang kabuuang detalye ng insidente. #
