Pambato ng Central Luzon sa Palarong Pambansa, nag-set ng bagong record sa 400-meter run
Isang makasaysayang tagumpay ang naitala ni Alfred Talplacido ng La Paz National High School mula sa lalawigan ng Tarlac matapos niyang dominahin ang Secondary Boys’ 400-meter run sa 2025 Palarong Pambansa na ginaganap sa Laoag, Ilocos Norte.
Sa kanyang bilis na 48.10 seconds, hindi lamang niya nasungkit ang gintong medalya kundi binasag din niya ang dating record na 48.7 seconds na naitala ni Jomar Udtohan ng National Capital Region (NCR) noong 2014.
Kasama ni Talplacido sa podium sina John Clinton Abetong ng CALABARZON na nakapagtala ng 48.61 seconds at nakakuha ng silver medal, habang bronze medal naman ang nakuha ni Kian Labar na may 48.92 seconds.
Kasalukuyang nasa 8th spot ang Central Luzon sa partial and unofficial medal tally ng laro as of 2:15 PM nitong Miyerkules, May 28.
Ang 65th edition ng Palarong Pambansa ay ginaganap mula May 24 hanggang May 31, 2025 sa iba’t ibang venue sa Ilocos Norte, kabilang na ang Marcos Stadium sa Laoag City. Ang taunang palaro ay nilalahukan ng 19 na delegasyon mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, kabilang na ang National Academy of Sports at Philippine Sports Overseas. #
