Pamaskong handog, hatid ng Philippine Coast Guard sa ilang mangingisda sa Zambales

Ilang araw bago mag-Pasko, namahagi ang Philippine Coast Guard ng Bagong Pilipinas goodies sa humigit-kumulang 100 mangingisda sa karagatang sakop ng Zambales nitong Sabado, December 20.
Upang maging mas masaya ang aktibidad, nagsuot pa ng Santa hat ang mga tauhan ng PCG habang namimigay ng tulong na naglalaman ng bigas, oatmeal, at canned goods.
Samantala, hindi rin nakalimutan ang mga mangingisdang nasa pampang ng San Antonio, Zambales, kung saan nagsagawa rin ng hiwalay na pamamahagi ang Coast Guard Sub-Station San Antonio.
Bukod sa tulong-pinansyal at pagkain, layon ng aktibidad na ipadama ang malasakit ng pamahalaan sa mga mangingisda lalo na ngayong Kapaskuhan.
Bahagi ang naturang inisyatiba ng direktiba ni President Ferdinand Marcos, Jr. na tiyaking napangangalagaan ang kapakanan ng mga Pinoy na mangingisda at patatagin ang suporta mula sa gobyerno. #
