Pagtatayo ng sabo dam, inilatag bilang solusyon sa paulit-ulit na baha sa Lubao
By Noel Celeste, CLTV36 News
Umabot sa 15 kabahayan ang tinangay ng rumaragasang tubig habang 77 pamilya o mahigit 100 indibidwal ang sapilitang inilikas mula sa Barangay Sto. Cristo, Lubao, Pampanga. Ito’y matapos mawasak ang slope protection at retaining wall ng Sto. Cristo Dam nitong Biyernes, August 28, bunsod ng hagupit ng Habagat, ayon sa PDRRMC.
Paliwanag ng National Irrigation Administration (NIA), hindi kinaya ng dam ang labis na volume ng tubig mula sa upstream, na nagdulot ng pag-overshoot at paglihis ng agos. Nakadagdag din sa matinding pinsala ang mga dambuhalang troso, sanga, at iba pang forest debris na natangay mula sa bundok at tuluyang humarang sa mga floodgate.

Hindi ito ang unang pagkakataon na bumigay ang flood control sa lugar. Naiulat ng CLTV36 News noong July 2025 ang pagkasira ng bahagi ng dike road dito. Ang naging remedyo lamang noon ay ang paglalagay ng mga sandbag, temporary sheet piles, at panandaliang tapal sa mga naagnas na lupa kaya madali itong gumuho nang humampas ang panibagong baha. Dahil walang permanenteng proteksyon, tuluyan nang nawasak ang mahigit 40 metrong pader.
Nagtungo sa site ngayong Miyerkules, September 2, sina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., Pampanga Governor Lilia Pineda, 2nd District Representative Gloria Macapagal-Arroyo, Lubao Mayor Esmie Pineda, at DPWH Secretary Vince Dizon upang suriin ang lawak ng pinsala at plantsahin ang mabilisang pagkumpuni sa nasirang istruktura.
Upang maiwasan umano ang “band-aid solution,” opisyal nang iniutos ngayong hapon ang mabilisang pagpopondo para sa pagpapatayo ng sabo dam sa upstream area upang saluhin ang mga troso at iba pang debris.
Habang inihahanda ang pagpapatayo nito, maglalagay muna ng mga pansamantalang trap o log barriers bilang proteksyon bago pa muling mabarahan ang floodgates ng Sto. Cristo Dam.
Inatasan din ng Pangulo ang DPWH na muling itayo ang gumuhong retaining wall at concrete slope protection ng naturang dam na tuluyang nawasak ng rumaragasang tubig. #
