Pagkunsinti ng gobyerno sa online gambling, binatikos ni Cardinal David
Binatikos ni Cardinal Pablo Virgilio David, presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang tila salungat ng polisiya ng gobyerno sa usapin ng online gambling.
Tinawag niya itong “entablado ng kabalintunaan” dahil sa umano’y pagkabahala sa mga illegal offshore gambling, habang hayagang pinapayagan at nire-regulate ang talamak na online gambling platforms sa bansa.
Ayon kay Cardinal David, direktang nakaaakit ng ganitong uri ng sistema ang mga kabataan at pamilya ng Overseas Filipino Workers (OFWs). Ipinunto niya na wala nang dahilan para pumunta pa ang mga tao sa casino dahil kahit sinong may cellphone ay pwede nang magsugal anumang oras.

Kinundena rin niya ang papel ng mga celebrity endorser na sa halip na magsilbing mabuting halimbawa, ginagamit pa ang kanilang impluwensya para i-kampanya ang mga gambling site sa social media.
Giit niya, ang mga ganitong personalidad ay tinatawag na gambling pusher sa digital space, kung saan ibinebenta ang konsensya kapalit ng milyon-milyong bayad para makahikayat ng mas maraming manlalaro, lalo na ang mga inosente at desperado.
Sa kasalukuyan, pinaplano na ni Sen. Win Gatchalian na ipatupad ang regulasyon sa online gambling upang matugunan ang lumalalang kaso ng pagkaadik ng mga Pinoy sa sugal.
Sa panukala, ipagbabawal ang sponsorship ng sugal sa mga public event at campaign donations. Itatakda rin ang minimum cash-in na ₱10,000 at ilalaan ang bahagi ng regulatory fees para sa pagpapatayo ng gambling addiction rehabilitation centers. #
