Pagbabalik ni Brownlee sa hardcourt, alanganin dahil sa pneumonia

Umuugong ngayon ang pangamba sa kampo ng Meralco Bolts matapos makumpirmang dumaranas sa sakit na pneumonia ang naturalized player na si Justin Brownlee.
Naging dahilan ito ng kanyang hindi pagsalang sa unang dalawang laro ng koponan para sa East Asia Super League.
Nagsimula ang espekulasyon nang hindi sumipot ang 6-time PBA champion sa trainings at maging sa unang laban ng Bolts.
Kumpirmado naman ng coaching staff na nagpapagaling pa si Brownlee at patuloy na mino-monitor ang kondisyon nito para tuluyang makarekober.

Malaking dagok ito para sa Meralco, na umaasa sa naturalized player upang palakasin ang kanilang lineup kasama ang bagong kakamping si Ronda Hollis-Jefferson. Sa pagkawala niya, natalo ang Bolts sa una nitong dalawang laban.
Bukod dito, posible ring makaapekto ang sitwasyon ni Brownlee sa kanyang Gilas Pilipinas stint, na naghahanda para sa 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa huling linggo ng Nobyembre at sa 2025 Southeast Asian Games (SEA) sa Thailand.
Gayunman, nananatiling kumpiyansa at positibo ang kampo ni Brownlee na unti-unting bumubuti ang kanyang kalagayan, bagama’t wala pang malinaw na update kung kailan siya makakabalik sa hardcourt. #
