Pag-absent ng mga Senador, hindi sakop ng “no work, no pay” policy: Sotto
Hindi raw basta-basta maaaring ipataw ang “no work, no pay” policy sa mga senador.
Ito ang iginiit ni Senate President Tito Sotto sa gitna ng maiinit na talakayan sa performance at pananagutan ng mga mambabatas.
Aniya, may malinaw na paraan at proseso para kwestyunin ang absences ng mga senador. Wala raw probisyon sa Konstitusyon o sa Senate rules na nagbibigay-daan para bawasan ang sweldo ng senador dahil lamang sa pag-absent. Nakatalaga na raw ang sahod at pondo ng bawat opisina, anuman ang kanilang attendance.
Dagdag pa niya, dapat dumaan sa Ethics Committee ang anumang reklamo kung nais papanagutin ang isang mambabatas.
Binibigyang-diin niya rin na may ilang mambabatas sa Kongreso ang nagkaroon ng matagal na absences nang hindi naaapektuhan ang kanilang sweldo, at ang ganitong usapin ay dapat idaan lamang sa umiiral na mekanismo ng pananagutan.
Lumaki ang interes sa isyu matapos kwestyunin kung patuloy na tumatanggap ng buong sweldo si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, na hindi dumadalo sa Senate sessions mula pa noong November 11.
Kasunod ito ng ulat tungkol sa umano’y arrest warrant mula sa International Criminal Court.
Ayon kay Sotto, gumagana pa rin at may pondo ang opisina ni Dela Rosa kahit wala siya sa mga sesyon.
Gayunpaman, sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian na hindi karaniwan para sa isang vice chair ng Finance Committee na hindi dumalo sa pagdepensa ng budget ng ahensyang hawak nito.
Samantala, iginiit naman ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na dapat ding isaalang-alang ang due process at seguridad ni Dela Rosa, lalo na kung may banta umano sa kanyang buhay at kalayaan, kahit wala pang kumpirmadong warrant mula sa ICC.
Sa ngayon, hindi pa rin matukoy ang kasalukuyang kinaroroonan ni Dela Rosa.
Batay sa Facebook post ni Bato, huli siyang bumisita sa Compostela Parish Church sa Cebu para humingi umano ng gabay sa kanilang spiritual adviser. #
