Pacquiao vs. Barrios match, nagtapos sa majority draw
Sa kabila ng kanyang edad na 46, muling pinatunayan ni Pinoy boxing legend Manny “Pacman” Pacquiao na may ibubuga pa siya sa ibabaw ng ring matapos ang dikit at intense na 12-round majority draw laban kay WBC welterweight champion Mario Barrios.

Ginanap ang kanilang mainit ng sagupaan sa MGM Grand Arena sa Las Vegas nitong Linggo, July 20.
Dahil sa pagiging mas bata at agresibo ni Barrios, nagpakawala agad si Pacquiao ng kombinasyon ng mga suntok at footwork na tila bumalik sa kanyang prime, dahilan para makuha agad ang atensyon ng mga manonood.

Subalit hindi nagpadaig ang American champ, pinanatiling kalmado ang bawat suntok gamit ang kanyang matatalim na jabs at body shots, lalo na sa gitna ng laban.
Unti-unti namang bumaba ang volume ni Pacman pagdating ng middle rounds habang patuloy naman na lumakas ang loob ni Barrios at sinamantalang targetin ang katawan ni Pacquiao.
Gayunpaman, hindi nawalan ng apoy ang fighting senator at bumawi sa huling rounds gamit muli ang kanyang bilis at kombinasyon ng mga suntok.
Nagkainitan sa round 10, kung saan sabay silang nagpalitan ng mabibigat na suntok, pero hindi pa rin nagpatinang ang ating pambansang kamao.

Sa 11th round, mas naging agresibo si Barrios, pero bumagal siya sa huling round, na sinamantala ni Pacquiao para tapusin ang laban sa kanyang sariling tempo.
Isang hurado ang pumabor kay Barrios sa score na 115-113, habang dalawang hurado naman ang nagbigay ng score na 114-114, na naging dahilan para mapanatili ni Barrios ang kanyang titulo sa pamamagitan ng majority draw. #
