Online jokes at fake posts ukol sa pamamahagi ng relief goods, kinundena ng DSWD

Hinimok ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko na magpakita ng malasakit at maging maingat sa pagbabahagi ng impormasyon tungkol sa pamamahagi ng relief goods sa mga apektado ng kalamidad.
Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao, nagdudulot ng kalituhan at nakasisira sa kredibilidad ng ahensya ang mga maling post sa social media na ginagawang biro ang relief operations.

Isa sa mga tinukoy ni Dumlao ang insidente sa Davao Oriental, kung saan isang netizen ang nag-post ng video na tila ibinebenta ang mga food pack ng ahensya. Kalaunan ay inamin ng uploader na biro lamang ito at agad na binura ang post matapos humingi ng paumanhin.
Giit ng opisyal, hindi dapat gawing katatawanan ang relief efforts dahil maaari itong magdulot ng pagkalito at dagdag na stress sa mga biktima ng kalamidad.
Hinimok din ng DSWD ang lahat na kumuha lamang ng impormasyon mula sa kanilang official Facebook page na @dswdserves at tiyaking beripikado ang mga ibinabahaging detalye online. #
