OFWs sa Singapore, hinimok ng DMW na sumunod sa labor laws
Nagpaalala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga overseas Filipino worker at sa mga Pilipinong nagbabalak magtrabaho sa Singapore na mahigpit na ipinagbabawal doon ang “moonlighting” o pagtanggap ng bayad sa ibang trabaho bukod sa kanilang unang employer.
Ayon sa abiso ng Philippine Embassy in Singapore, maaaring pagmultahin ng hanggang SGD 20,000 na katumbas ng mahigit ₱800,000 o makulong ng hanggang dalawang taon ang sinumang mahuling lumalabag dito.
Maaari ding bawiin ang kanilang work pass at ipagbawal na muling makapagtrabaho sa bansa.
Kamakailan, iniulat ng Channel NewsAsia na isang 53-anyos na Pilipinang domestic worker ang pinagmulta ng SGD 13,000 matapos mapag-alamang tamatanggap ng part-time cleaning job, na malinaw na labag sa kondisyon ng kanyang work pass.
Hindi lamang ang manggagawa ang pinaparusahan, kundi pati na rin ang mga employer. Sa nasabing kaso, pinagmulta rin ng SGD 7,000 ang Singaporean na kumuha sa Filipina bilang part-time cleaner.
Binigyang-diin ng DMW na dapat sundin ng mga OFW ang labor laws ng host country upang maiwasan ang mabigat na parusa at mapanatili ang maayos na oportunidad sa trabaho sa ibang bansa. #
