NU Lady Bulldogs, champion muli sa UAAP Season 87 Women’s Volleyball
Muling nasungkit ng National University (NU) Lady Bulldogs ang kampeonato sa Season 87 ng UAAP Women’s Volleyball.
Ito’y matapos nilang dominahin ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers sa Game 2 Finals ng laban sa Mall of Asia Arena nitong Miyerkules, May 14.
Sa score na 25-19, 25-18, 25-19, nakuha ng Bulldogs ang ikalawa nilang sunod na titulo, na pangatlo sa loob ng apat na season, at ikalima naman sa kasaysayan ng kanilang women’s volleyball program.

Hawak na rin ngayon ng Lady Bulldogs ang 2-1 na kalamangan sa Finals head-to-head battle kontra sa Lady Spikers.
Matatandaang itinanghal ang NU bilang kampeon noong Season 84, habang bumawi naman ang La Salle sa Season 85. Sa Season 86, dinaig ng NU ang University of Sto. Tomas para makuha ang korona; at ngayong Season 87, pinadapa naman nila ang La Salle sa dalawang laro.
Nanguna muli si Michaela Belen para sa Lady Bulldogs matapos makapagtala ng 18 points, 11 digs, at 8 receptions. Malaki rin ang naging ambag nina Vange Alinsug at Shaira Jardio, na kapwa kinilala bilang co-Finals Most Valuable Players ngayong season. Nakapagbigay si Jardio ng 19.5 digs at 20 receptions sa buong Finals ng laro.


Nagpakitang-gilas din si Alyssa Solomon gamit ang kanyang matibay na depensa sa court at nakapagdagdag ng 13 points at 5 digs. Si Lams Lamina naman na setter ng koponan ang gumawa ng malakas nilang opensa sa pamamagitan ng kanyang naitalang 17 excellent sets.
Malaking bagay ang naging floor defense ng Bulldogs kung kaya’t nahirapan ang Spikers na makapuntos. Umabot sa kabuuang 53 digs ang naitala ng NU kumpara sa 35 ng La Salle. Habang mas malaki rin ang lamang ng NU pagdating sa attacks na 48-26.
Sa huli, muling pinatunayan ng Lady Bulldogs ang kanilang dominance sa collegiate volleyball at mananatili ang korona sa Jhocson Street. #
