Noodles factory na nagtatapon ng wastewater sa creek, nabisto sa Angeles City
Nabisto ng Angeles City Government ang umano’y direktang pagtatapon ng wastewater sa creek ng isang pabrika ng noodles sa Barangay Sto. Domingo.
Kinilala ang establisyimento bilang Jojen Food Manufacturing na matatagpuan sa loob ng Villa Dolores Subdivision.
Ayon kay Dr. Jessie Paul Culang, Chief ng City Sanitation Division, nakarehistro lamang ang negosyo bilang office operation, ngunit sa aktwal na inspeksyon ay ginagamit ito bilang food manufacturing facility ng noodles.
Sa initial inspection, nakita rin umano ang hindi maayos na sanitation practices at kakulangan ng kinakailangang health and sanitation clearances.
Ayon sa sanitation team, inamin ng kinatawan ng Jojen Food Manufacturing na wala silang water treatment facility at wala ring sanitation permit para sa food manufacturing.
Sinabi rin ng kumpanya na mayroon naman silang sanitation clearance mula sa homeowners association ng Villa Dolores Subdivision, ngunit nilinaw ni Culang na hindi sapat ito at hindi pinahihintulutan ang ganitong operasyon sa isang residential subdivision.
Sa drone footage ng CLTV36 News, makikita ang creek mula Sto. Domingo hanggang Barangay Cutcut at ang iba pang pinagmumulan ng polusyon. Kabilang dito ang isang duck farm-like set-up malapit sa creek, tambak na basura, at direktang pagdaloy ng wastewater mula sa ilang komunidad ng informal settlers.
Isinagawa ang inspeksyon upang suriin ang higit 17,000 negosyo sa lungsod kung sumusunod ang mga ito sa sanitation standards at kung may ambag sa polusyon sa tributaries ng ilog.
Matatandaang nagbabala na ang Angeles City Government na hindi ligtas kainin ang mga isda mula sa Abacan River matapos makitaan ng iba’t ibang pollutants na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan. #
