‘No knowledge’ statement sa ₱41-B flood control projects sa Bulacan, nilinaw ni Gov. Fernando
By Kier Gatbonton, CLTV36 News Citizen Journalist
Nilinaw ni Bulacan Gov. Daniel Fernando ang naging pahayag niya sa broadcaster na si Ted Failon hinggil sa bilyong-bilyong pisong flood control projects na ipinatupad sa lalawigan.
Sa isang press conference ngayong Martes, August 25, iginiit niyang wala siya sa posisyon na direktang makapagbibigay ng detalye dahil ang mga ito ay nasa ilalim ng DPWH. Hindi rin daw ito direktang kontrolado ng Pamahalaang Panlalawigan. Iginiit din niyang wala silang malalaking flood control project na pinondohan mula sa nasabing halaga.
Nakatuon daw ang Provincial Government sa mga proyektong bahagi ng kanilang mandato, kabilang ang pagsasaayos ng mga kalsada at pagtatayo ng mga multi-purpose hall. Aminado si Fernando na nasaktan siya sa reaksyon ng publiko kasunod ng pahayag niya kay Failon.
Matatandaan nitong Huwebes, August 20, tinanong ni Failon si Fernando tungkol sa mahigit ₱41-billion flood control projects sa Bulacan. Aniya, wala siyang knowledge o kaalaman hinggil sa mga proyekto. Wala rin daw siyang hawak na datos tungkol dito at sinabing hindi nakikipag-ugnayan sa Pamahalaang Panlalawigan ang DPWH.
Kaugnay nito, naglabas na umano siya ng isang executive order upang tiyaking dadaan sa Provincial Government ang koordinasyon sa mga proyekto ng nasabing ahensya.
Batay sa datos mula sa Sumbong sa Pangulo website, nasa humigit-kumulang ₱43.7-billion pesos ang naging pondo ng Bulacan para sa flood control mula July 2022 hanggang May 2025.
Naninindigan si Fernando na wala siyang kinalaman sa anumang anomalya sa flood control projects sa kanyang lalawigan. #
