NFA, itinaas sa ₱30/K ang presyo ng tuyong palay; procurement limit sa mga magsasaka, pinaabot sa 500 bags

Nanganganib na bumaba ang produksyon ng palay sa bansa dahil sa El Niño phenomenon na nagdadala ng mas mataas na banta ng tagtuyot sa mga sakahang umaasa sa ulan, ayon sa ilang ahensya ng gobyerno.
Kaya naman, pinalalakas ngayon ng National Food Authority o NFA ang pagbili ng ani mula sa mga lokal na magsasaka—isang hakbang na magpapapatatag umano sa reserbang bigas ng pamahalaan.
Itinaas na ng ahensya sa hanggang ₱30 kada kilo ang buying price para sa clean and dry palay. ₱28 naman kada kilo ang pinakamababang alok.
Mas mataas ito kumpara sa ₱21.27 na average farmgate price per kilo ng tuyong palay noong Oktubre, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, nasa 80% na ng kanilang mga sangay sa buong bansa ang nagpapatupad ng bagong presyuhan.
Pinalawak din ang procurement limit sa bawat magsasaka. Mula sa dating 200 bags, pwede na raw bumili ang NFA ng katumbas ng ani batay sa average yield sa kanilang lalawigan at lawak ng sakahan. Maaari raw itong umabot sa 500 bags o higit pa depende sa produksyon.
Para makuha ang pinakamataas na presyo, kailangang may 11-14% na moisture content ang palay. Mas mababa naman ang presyo sa bagong ani o basang palay na tinatayang nasa ₱25 to ₱26 per kilo.
Target din umano ng NFA na makabili ng 790,000 metric tons ng palay ngayong taon at gayundin sa 2027.
Gagamitin daw ito bilang reserbang bigas para sa Benteng Bigas Meron Program at pagtugon sa pangangailangan ng mga komunidad tuwing may kalamidad.
Samantala, naglaan din ang Department of Agriculture ng karagdagang ₱10 billion na maaaring gamitin ng NFA sa pagbili ng palay.
Habang ginagawa na raw ang 150 customized mobile buying trucks upang mailapit ang procurement operations sa malalayong sakahan. #
