NFA, binalaan ang mga empleyado laban sa iregularidad
Pinaiigting ngayon ng National Food Authority (NFA) ang kanilang internal audit upang masawata ang mga iregularidad sa ahensya at mapanatili ang maayos na operasyon nito.
Sa ilalim ng pamumuno ni Administrator Larry Lacson, umabot na sa 25 empleyado ang nasuspinde, 32 kaso ang naisampa, at 54 na show-cause orders ang inilabas mula March 2024.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, natuklasan ang ilang unauthorized transactions, iregularidad sa record, at pagbaba ng stocks na lampas sa pinapayagang dalawa hanggang tatlong porsyento.
Kabilang sa mga nasuspinde ang ilang branch managers, warehouse supervisors, at staff mula sa iba’t ibang rehiyon tulad ng Central Luzon, Cagayan Valley, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, at Western Visayas.
Ayon kay Lacson, hindi dapat madamay ang mga matitinong kawani at dapat papanagutin agad ang mga mapatutunayang nagkasala.
Dagdag pa niya, bukod sa mga administrative case, handa rin ang NFA na magsampa ng kasong kriminal laban naman sa mga mapatutunayang sangkot sa mabibigat na paglabag.
Sa kabila nito, tiniyak ng ahensya na tuloy-tuloy pa rin ang pagbili ng palay mula sa mga magsasaka at pagbebenta ng abot-kayang bigas sa ilalim ng “Benteng Bigas Meron (BBM) Na” program. #
