Nationwide emergency loan, bubuksan ng GSIS sa kanilang active members, pensioners
Bubuksan ng Government Service Insurance System (GSIS) ang nationwide emergency loan program para sa kanilang mga active member at pensioner.
Kasunod ito ng pagdeklara ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng State of National Calamity dahil sa pananalasa ng Bagyong Tino at sa banta ng Bagyong Uwan.
Ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso, mahalaga ang agarang tulong pinansyal para sa mga kawani ng gobyerno at retiradong naapektuhan ng pinsalang dulot ng serye ng kalamidad.
Sa ilalim ng programa, maaaring umutang ng hanggang ₱20,000 ang mga qualified active member, habang hanggang ₱40,000 ang may existing loan na magre-renew, na ibabawas na lamang ang natitirang balanse.
Kinakailangang aktibo sa serbisyo ang aplikante, hindi naka-unpaid leave, walang anumang criminal o administrative case, may sapat na premium contribution, at hindi bababa sa ₱5,000 ang take-home pay.
Papayagan ang aplikasyon mula November 7, 2025 hanggang February 7, 2026 sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile app.
Bababayaran ang loan sa loob ng 36 months na may 6% na interes kada taon. #
