Nasagip na agila sa Subic, isinailalim sa pangangalaga ng DENR
Nasa pangangalaga na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nailigtas na Philippine Serpent Eagle sa Brgy. Matain, Subic, Zambales.
Agad itong sinuri ng mga tauhan ng DENR-CENRO Olongapo City bago ilipat sa Wildlife In Nature Rescue Center sa Subic Bay Freeport Zone.
Doon isasailalim ang agila sa karagdagang medical assessment at rehabilitation bago matukoy kung maaari na itong maibalik sa kanilang natural habitat.
Pinuri naman ng DENR ang mabilis na pagkilos ng Barangay Matain, at hinikayat ang publiko na agad i-report sa pinakamalapit na tanggapan ng DENR ang mga sugatan, nailigtas o displaced na wildlife.
Paalala rin ng ahensya na mahigpit na ipinagbabawal ang panghuhuli, pag-aalaga, at pagbebenta ng mga ito sa ilalim ng Republic Act No. 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001. #


