Multiple tax evasion charges, isinampa ng BIR sa mag-asawang Discaya

Sinampahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng kasong tax evasion ang controversial contractors at mag-asawang sina Curlee at Sarah Discaya, kasama ang isang corporate officer ng kanilang kumpanyang St. Gerrard Construction Gen. Contractor & Development Corporation, dahil sa umano’y hindi pagbabayad ng buwis na aabot sa mahigit ₱7.1 billion.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr., natuklasang hindi nagbayad ng tamang buwis ang mag-asawa mula 2018 hanggang 2021, kabilang ang excise tax para sa kanilang siyam na luxury vehicles.
Dagdag pa rito, hindi rin umano nagsumite ang mga ito ng documentary stamp tax returns kaugnay ng bentahan ng shares sa apat nilang kumpanya—St. Gerrard, St. Timothy, St. Matthew, at Alpha & Omega Construction.
Binanggit ni Lumagui na ang mga isinampang kaso ay “tip of the iceberg,” dahil nagpapatuloy pa ang mas malalim na imbestigasyon ng BIR sa iba pang negosyo ng mag-asawa. Posible aniyang madiskubre pa ang karagdagang bilyon-bilyong pisong kakulangan sa buwis mula sa iba pa nilang kumpanya.
Batay sa record ng Land Transportation Office (LTO), lumabas ding hindi nagbayad ng excise tax ang mga Discaya sa mga mamahaling sasakyang nakarehistro sa kanilang pangalan—na karagdagang paglabag sa batas.
Giit ng BIR chief, hindi titigil ang ahensya sa pagsasampa ng mga kaso laban sa mag-asawang Discaya at sa iba pang kontratista o opisyal ng pamahalaan na sangkot sa mga kuwestiyonableng flood control projects. #
