Monitoring sa pamilya ng mga OFW na nasa Middle East, pinaiigting ng Pampanga LGU
Umarangkada na simula nitong Lunes, March 16, ang mas pinaigting na monitoring sa mga pamilyang Kapampangan ng Overseas Filipino Workers (OFW) na apektado ng patuloy na tensyon sa Middle East.
Partikular na tinututukan ang mga pamilyang hindi na nakatatanggap ng padala dahil sa pagkakaipit ng kanilang mga kaanak sa kaguluhan.
Naabutan ng CLTV36 News si Myrna Tumang, isang ina na may anak na nagtatrabaho sa isang hotel sa Israel. Ayon sa kanya, labis ang kanyang pangamba sa kaligtasan ng anak.
Hindi na umano siya makatulog gabi-gabi dahil sa ulat ng kanyang anak na halos sunod-sunod ang pagbomba sa kanilang lugar. Dagdag pa niya, hindi na rin ito nakapagpapadala ng pera dahil sa sitwasyon.
Samantala, ayon kay Mexico LGU Public Employment Service Office (PESO) Manager Romeo Tiglao, mahigit 80 pamilya ng OFW ang kanilang na-screen simula kahapon.
Bukod sa pangangalap ng datos, layunin din ng lokal na pamahalaan ng Mexico na maayos na ma-calibrate ang bilang ng mga OFW na nasasakupan nito upang matiyak ang agarang pagtugon sa kanilang pangangailangan.
Nauna nang iniutos ni Pampanga Governor Lilia “Nanay” Pineda ang paghahanap at pagtukoy sa mga pamilya ng OFW na apektado ng krisis.
Sa isinagawang Pampanga Peace and Order Council meeting noong Biyernes, March 13, tinalakay ang mga hakbang upang maibsan ang epekto ng sigalot sa Middle East—lalo na sa mga pamilyang umaasa sa remittances.
Ayon sa gobernador, mahalagang matukoy ang kalagayan ng mga Kapampangan abroad at ang kanilang mga naiwang pamilya sa lalawigan.
Nakahanda rin umano ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga na magbigay ng subsidy o financial assistance bilang agarang tulong sa mga apektadong pamilya.
Sa gitna ng lumalalang tensyon, hindi lamang presyo ng langis ang naaapektuhan—kundi ang kabuhayan at katahimikan ng mga pamilyang Pilipino na umaasa sa bawat padala mula sa ibayong dagat.
